^

Metro

15 kidnapers natimbog: Dinukot na trader nasagip

-
Labing-limang mga kidnappers na kasapi sa ‘Waray-Waray kidnap for ransom gang’, kabilang ang isang pulis na tumatayong lider ng grupo ang nadakip ng pinagsanib na tauhan ng CIDG, PACER at NAKTAF sa magkahiwalay na operasyon na isinagawa sa Antipolo at Quezon City kahapon .

Kasabay nito, nasagip din ng mga awtoridad matapos ang tatlong araw na pagkabihag ang isang Fil-Chinese trader na siyang pinakahuling biktima ng naturang grupo. Kinilala ni NAKTAF Chief Angelo Reyes ang nasagip na biktima na si Genevieve Sy, 27, ng Oroquieta St., Sta. Cruz, Manila .

Ang biktima ay nabawi sa mga kidnappers matapos salakayin ang hideout ng mga ito sa Yupeco Subdivision, Brgy. San Luis, Antipolo City bandang alas-4:30 ng madaling araw.

Sa report ni P/Supt. Alejandro Gutierrez, pinuno ng PNP-CIDG operatives na nagsagawa ng raid, walo sa mga suspect ang nasakote sa Antipolo City, habang ang pito pa ay nadakip naman matapos ikanta ng kanilang mga kasamahan sa isang follow-up operations sa North Fairview, Quezon City.

Nakilala naman ang nasakoteng lider ng ‘Waray-Waray KFR gang’ na si SPO4 Romeo Ayson, nakatalaga sa PNP-CIDG sa Camp Crame.

Sinabi ni Reyes na si Ayson ay unang nadakip matapos na magsagawa ng pay-off sa Yupeco Subdivision sa Antipolo City kung saan napagkasunduang ibigay ang P500,000 ransom kapalit ng pagpapalaya sa biktima. Subali’t lingid sa kaalaman ni Ayson ay tinutugaygayan na siya ng mga awtoridad matapos na ireport ng pamilya ni Sy ang pagdukot sa biktima.

Ang iba pang nahuling mga kidnapper ay nakilala namang sina Jaime Oliva, Sebastian Magaybo, Edwin Castillo, Romeo Olatan at tatlong iba pa na hindi pinangalanan. Ang mga ito ay natimbog sa operasyon sa Antipolo.

Nasakote naman ganap na alas-5 ng umaga sa Block 86, Lot 24, Phase 8, North Fairview, Quezon City ang lima pa sa mga suspect na kinilala namang sina Mary Ann Culanag, Janneth Partiluna, George Lantia, Pepe Bihag, Julien Madrid at dalawang iba pa.

Sinabi ni Reyes na nabawi rin mula sa mga suspect ang P500,000 ransom. Nabatid na ang mga kidnapper ay nauna nang humingi ng P50M na naibaba sa P500,000 kapalit ng pagpapalaya sa biktima.

Nabatid pa na tuwing tumatawag ang mga kidnapper sa pamilya ni Sy ay palaging nagbabanta ang mga ito na itutulad nila ang bihag sa pinaslang na kidnap victim na si Betti Chua-Sy kapag di naibigay ang hinihingi nilang ransom.

Si Genevieve ay magugunitang lulan ng kanyang pulang Lancer nang dukutin ng mga armadong kalalakihan nitong nakalipas na Marso 18 sa Manuguit St. Tondo, Manila.

Kasalukuyan nang nakapiit sa detention cell ng PACER sa Camp Crame ang mga suspect habang inihahanda na ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga ito. (Ulat nina Joy Cantos,Edwin Balasa at Doris Franche)

ALEJANDRO GUTIERREZ

ANTIPOLO CITY

AYSON

BETTI CHUA-SY

CAMP CRAME

CHIEF ANGELO REYES

NORTH FAIRVIEW

QUEZON CITY

YUPECO SUBDIVISION

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with