Fiscal huli sa pangongotong

Dinakip ng mga ahente ng National Bureau of Investigation ang isang fiscal sa Tarlac Provincial Prosecutor’s Office sa isinagawang entrapment operation matapos na manghingi ng lagay sa limang biktima ng illegal recruitment para mabigyan sila ng pabor sa kaso.

Kinilala ni NBI director Reynaldo Wycoco ang nadakip na suspect na si Fiscal Alladin Bermudez Jr., ng Tarlac City.

Nag-ugat ang operasyon laban kay Bermudez matapos na magreklamo sa NBI-Tarlac ang mga biktimang sina Arnold Gamotea, Carolyn Padilla, Cecilia Conde, Oliverson Cuaresma at Erlinda Rivera, pawang mga residente ng Moncada, Tarlac.

Ayon sa mga biktima, naloko sila ng umano’y mga illegal recruiter na sina Ernesto Yarcia at Naguila Bartolome na nangako na bibigyan sila ng trabaho sa Brunei na may malaking suweldo. Nang makarating sa naturang bansa, wala naman palang trabaho na nakalaan sa kanila kaya’t nagsibalikan ang mga ito sa Pilipinas.

Dito nila sinampahan ng kasong illegal recruitment nitong nakaraang Disyembre 2003 sina Yarcia at Bartolome sa Tarlac Provincial Prosecutor’s Office kung saan si Bermudez ang humawak ng kanilang kaso.

Ipinatawag umano sila ni Bermudez kung saan hiningan sila ng tig-P5 libo para mapabilis ang paglilitis sa kaso. Dito na humingi ng tulong sa NBI-Tarlac ang mga biktima kung saan plinano ang isasagawang entrapment.

Naaresto si Bermudez sa loob ng kanyang opisina sa Provincial Prosecutor’s Office matapos na tanggapin ang P9,000 marked money buhat sa mga biktima.

Nasa kustodya ngayon sa general headquarters ng NBI si Bermudez kung saan nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Article 210 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments