20 pang biktima ng pagsabog ng SuperFerry 14, nakilala

May 20 parte pa ng mga katawan na narekober ng Philippine Coast Guard (PCG) ang nakilala na ng forensic team ng National Bureau of Investigation (NBI) sa sumabog na SuperFerry 14 kung saan siyam sa mga ito ang naiuwi na ng mga kamag-anak sa kani-kanilang probinsiya.

Ayon kay PCG Spokesman Lt. Armand Balilo, 32 body parts ang pinag-aralan ng NBI kung saan 12 na lang ang hindi nakikilala.

Siyam sa mga body parts na nakilala na kung sinong pasahero, ang ibinigay na sa kanilang mga kamag-anak at iniuwi na sa kanilang probinsiya para mabigyan ng maayos na burol at libing.

Kasalukuyan namang may 41 bangkay na ang narekober kasama na ang mga nakilalang body parts, habang may 43 pang pasahero ang patuloy na nawawala.

Isa sa mga nakuhang body parts ang tuluyang hindi na makilala ng mga eksperto dahil sa sobrang pagkasunog nito, habang nahihirapan naman sa ibang bahagi ng katawan.

Nanawagan ang NBI sa mga kamag-anak ng mga nawawalang pasahero na magbigay ng specimen ng kanilang mga kaanak upang lalong mapadali ang ginagawang eksaminasyon.

Inihayag naman ng PCG na may 3% hanggang 5% na lamang ang hindi nagagalugad ng search and retrieval team ng PCG at Philippine Navy sa tumagilid na SuperFerry 14.

Inihayag ni Gina Virtusio, corporate relations manager ng WG&A na bibigyan nila ng kaukulang benepisyo ang pamilya ng mga nasawing pasahero maging ang mga nawawala kung makapagbibigay sila ng sapat na dokumento na sumakay nga ang mga ito sa naturang nasunog na barko. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments