Kasong highway robbery ang isinampa laban kay Romeo Tan, aka Yeng Tan, 51, may-ari ng Boysen Hardware na matatagpuan sa Camarin Road, Caloocan City at residente ng #215 Susano Road, San Agustin, Novaliches, Quezon City habang paglabag naman sa anti-fencing law o pagbili ng nakaw na gamit ang isinampa laban sa asawa nitong si Susan Tan, 42.
Lumalabas na ang hardware ni Tan ang binabagsakan umano ng mga nakaw na kasangkapan sa hardware, kabilang na ang isang truck ng corrugated bars na laman ng Isuzu truck, may plakang PBP-329 at pag-aari ng isang Arnold Trinidad na hinarang sa kahabaan ng Baesa Road, Quezon City habang minamaneho ng driver na si Noel Arosmo, ng hindi pa kilalang armadong kalalakihan.
Aabot sa milyong halaga ang naturang mga kargamento na pag-aari ng Steel Asia na nakatakdang ideliber sa kanilang kostumer hanggang matagpuan ito sa mismong hardware ni Tan.
Ayon pa sa ulat, si Arosmo at dalawa nitong helper na nakilala lamang sa pangalang Carlos at Henson ay tinangay din ng mga hijackers at hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin natatagpuan.
Matatandaang dakong alas-6 kamakalawa ng gabi nang makatanggap ng impormasyon ang Caloocan City Police matapos na makita ang nawawalang truck sa hardware ni Tan. (Ulat ni Rose Tamayo)