Sa isang panayam, sinabi ni Malcom Sarmiento, hepe ng BFAR, agad na nagsagawa ng sample sa tubig ng Manila Bay ang ahensya at nalaman nila na ang bacteria na likha ng mga drainage sa Manila Bay ang dahilan ng paglutang ng mga isda sa dagat na ito.
May 5 tonelada anya ng isda, karamihan ay isdang banak ang lumutang at nangamatay dito at maaaring masundan pa kung hindi agad mareresolba ang naturang problema.
"Naubusan kasi ng oxygen ang bahagi ng Manila Bay, ito ay dahil sa tumaas na antas ng bacteria na nilikha ng mga drainage na nasa baybayin. Yun kasing mga bacteria ay nakikipagkumpitensya sa mga isda sa paggamit ng oxygen kaya dahil sa dami ng bacteria, wala nang oxygen para sa ibang isda kayat ang mga ito ay nangangamatay," dagdag ni Sarmiento.
Batay anya sa isinagawang water sample dito, patuloy ang pagtaas ng antas ng bacteria sa Manila Bay, partikular sa bahagi ng CCP at Manila Yatch Club dahil sa apat na drainage outlets sa may kanal sa may Central Bank at Rizal Monument. (Ulat ni Angie dela Cruz)