Ayon kay Muntinlupa City Congressman Ruffy Biazon, tila wala nang pag-asa pang maresolba ang lumalalang trapiko sa nabanggit na lungsod lalo na sa area ng Alabang Viaduct dahil apektado rin ng pagsisikip ng daloy ng trapiko ang kahabaan ng South Luzon Expressway.
Wala umanong alternatibong ruta ang mga ito matapos ipagbawal ng lokal na pamahalaan ang pagdaan sa tulay ng Alabang Viaduct.
Lumilitaw na hindi maaaring daanan ng mga naglalakihan at mabibigat na sasakyan ang tulay dahil na rin sa kalumaan nito dahil maaaring magbuwis ng buhay ang sinumang dadaan dito.
Sinabi ng nasabing mambabatas na matagal nang inirereklamo ng pamahalaang lokal ang naturang problema ngunit mistulang bingi sa usapin ang pamahalaan.
Nabatid na ito ay hurisdiksyon ng national government dahil ang naturang lugar ay pambansang lansangan, kung saan ito ang pangunahing daanan patungo sa Southern Luzon area. (Ulat ni Lordeth Bonilla)