Amok: 1 patay, 1 sugatan

Isa ang patay at isa pa ang nasa kritikal na kondisyon makaraang mag-amok ang caretaker ng isang palaisdaan at pagbabarilin ang mga kasamahan nito, kahapon ng umaga sa bayan ng Taguig.

Namatay noon din ang biktimang si Albert Villanueva sanhi ng tinamong tama ng mga bala sa katawan, habang ang kasamahan nitong si Eric Labao, 27, ay inoobserbahan sa Rizal Medical Center sanhi ng tinamong tama sa dibdib.

Kaagad na tumakas ang suspect na nakilalang si Jessie Mahinay matapos ang pamamaril.

Ayon sa pulisya, naganap ang insidente dakong alas-11 ng umaga sa loob ng Johnny Dionisio’s Fish Pond sa Laguna Lake sa bayan ng Taguig kung saan stay-in ang mga biktima at ang suspect bilang caretaker.

Kasalukuyang nagpapakain ng isda ang mga biktima nang bigla na lamang itong lapitan ng suspect na nag-ala-Rambo sa pagwawala dala ang hindi pa batid na kalibre ng baril at walang sabi-sabing pinaputukan ang mga biktima.

Maging ang iba pang tauhan sa nasabing fishpond na nagtangkang sumaklolo sa mga biktima ay pinaputukan ng suspect. gayunman masuwerteng hindi tinamaan ang mga ito.

Ayon sa iba pang tauhan sa nasabing fishpond, ilang araw na umano nilang napapansin ang pagiging bugnutin ng suspect at palaging nagkukulong sa kanilang barracks at sa tuwing pagsasabihan nila ito na tumulong sa kanilang trabaho ay nagagalit ito.

Patuloy namang pinaghahanap ng pulisya ang suspect para panagutin sa naganap na krimen. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments