2 holdaper na pumatay sa UP Student nasakote

Nadakip ng mga tauhan ng Western Police District (WPD) ang magkapatid na umano’y responsable sa panghoholdap at pagpatay sa isang estudyante ng University of the Philippines (UP) kamakailan sa Maynila.

Dala ang warrant of arrest, inaresto habang nasa kasarapan ng tulog ang magkapatid na sina Richard, 32 at Francisco Marso,29 ng Mindanao Extension, Sampaloc, matapos na positibong kilalanin ng saksi na dalawa lamang sa apat na lalaki na sinasabing responsable sa paghoholdap at pamamaril sa biktimang si Mary Joyce Latao, 19, pharmacy student sa UP-Manila at residente ng 103 Grande Village St. Sta. Mesa, ng nasabi ding lungsod.

Sa ulat ng WPD- Homicide Division, naaresto ang dalawa dakong alas-3 ng madaling araw sa loob ng kanilang bahay makaraang positibong kilalanin sa photo gallery ng pulisya.

Matatandaan na pababa na ang biktima nang magdeklara ng holdap ang apat na lalaki sa G-Liner Bus noong Pebrero 15 sa Magsaysay Blvd. Tumanggi ang biktimang ibigay ang kanyang bag kung kaya’t binaril ito ng mga suspect. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments