NCRPO nasa red alert dahil sa sunog at banta ng transport group

Inalerto at inilagay sa red alert status ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) chief Director General Ricardo de Leon ang limang distrito ng kapulisan sa Metro Manila matapos na magkasunog sa loob mismo ng Kampo Crame at bilang paghahanda sa napipintong tigil-pasada ng mga transport group.

Ayon kay de Leon, kailangan na isagawa ang inspection sa limang police installation upang matiyak ang kanilang seguridad matapos na masunog ang Logistics Division ng Philippine National Police sa loob mismo ng Crame.

Nagpahayag ng pagkabahala si de Leon dahil ang pagsabog ay itinaon pa sa ika-18 anibersaryo ng EDSA People Power.

Bagama’t sinasabing aksidente ang naganap na sunog, hindi naman iniaalis ni de Leon ang pangamba na kagagawan ito ng mga terorista.

Samantala, handa din ang puwersa ng NCRPO laban sa karahasang gagawin ng mga magpoprotestang transport group ngayon araw na ito sa MM makaraang iutos ni de Leon ang paghihigpit sa ilang lungsod tulad ng Quezon Pasig, Manila, Pasay City at Camanava areas.

Nilinaw ni de Leon na hindi sila mag-aatubiling arestuhin ang sinumang gagawa ng gulo sa transport strike.

Nakipag-ugnayan na rin sila sa Traffic Management Group (TMG) at sa National Defense Command ng Armed Forces of the Philippines upang mapanatili ang kaayusan sa kabila ng isinasagawang tigil-pasada.

Sinabi naman ng AFP na ipakakalat nila ang 12 6x6 truck upang maihatid sa kanilang mga pupuntahan ang mga pasahero alinsunod na rin sa kanilang ipinatutupad na ‘ Oplan Sakay’.

Nauna rito, umaabot naman sa milyon na kasapi ng FEJODAP at PISTON ang nagpahayag na maglulunsad din sila ng strike kaugnay ng P1.50 na dagdag pasahe sa Marso 8. (Ulat nina Doris Franche at Joy Cantos)

Show comments