Bayad di ibinigay, mga 'hakot' ni chairman pumalag

Isang barangay chairman sa Caloocan City ang kinondena ng mga nasasakupan nito dahil sa umano’y pagbubulsa ng halagang P500 kada tao na ipinangako para sa mga hinakot na teenager na dumalo sa paglulunsad ng "Lakbay Kontra Droga", isang anti-illegal drug campaign ng Department of Interior and Local Government (DILG) noong nakalipas na linggo.

Ang kinondena ay nakilalang si Faustino Adelino, chairman ng Barangay 76 sa Caloocan City.

Ayon kay Ariel Abary, 30, driver ng pampasaherong jeep, inatasan umano siya ni Adelino na maghakot ng mga teenager upang dumalo sa seremonyang ginanap sa Cultural Center of the Philippines (CCP) complex at sinabing babayaran ng P500 kada pupunta.

Sa kasamaang-palad, hanggang sa isinusulat ito ay tumatanggi pa ring magbayad si Adelino sa hindi mabatid na dahilan at hindi mahagilap.

Idinagdag pa nito na lahat ng mga "hakot" mula sa CAMANAVA area ay sinundo ng apat na pampasaherong bus na kinontrata para sa isang special trip mula sa panulukan ng Samson Road at Francisco St., Caloocan City patungong CCP dakong alas-2 ng hapon.

Pagdating sa CCP ay nadismaya ang mga "hakot" dahil sa wala silang natanggap kahit na isang kusing.

Ipinagtapat ni Abary na kaya lamang nagsisamahan ang mga 55 kabataang nahakot niya mula sa Potrero, Malabon at Caloocan City ay dahil lamang sa ipinangakong halaga.

Inamin din ni Abary na hindi ito ang unang pagkakataon na siya ay kinontak upang maghakot ng tao para sa mga rally ng mga pulitiko ngunit ito ang unang pagkakataon na siya, pati ang mga "hakot" niya ay naloko.

Ayon naman kay Marsan Bautista, 22, ng Lapu-Lapu St., Caloocan City, isa sa mga naloko umano, dapat imbestigahan ang barangay chairman sapagkat ginamit nito ang pangalan ng Malacañang at City Hall upang makapagyabang. (Rose Tamayo)

Show comments