Nagtalo sa citizenship ni FPJ; 1 patay

Isang loyalista ni Presidential aspirant Fernando Poe Jr. ang nasawi makaraang pagsasaksakin ng kanyang kainuman matapos na magtalo sa citizenship ng aktor, kahapon ng madaling-araw sa Sampaloc, Maynila.

Nakilala ang nasawi na si Florencio Madlangbayang, 54, ng Vicente Cruz St., Sampaloc, Maynila.

Pinaghahanap naman ngayon ang tumakas na suspect na nakilala lamang sa alyas na Aris.

Sa ulat ng pulisya, naganap ang pananaksak dakong ala-1 ng madaling-araw sa nabanggit na lugar. Ayon sa mga saksi na kainuman ng dalawa, naging mainitan umano ang pagtatalo ng dalawa ukol sa pagiging dugong-Pinoy ni FPJ.

Ipinagtanggol umano ni Madlangbayan si FPJ na kanyang idolo ngunit taliwas naman ang paniwala ng suspect.

Unang nagkahamunan ang dalawa hanggang sa magbunot ng dalang patalim ang suspect at dalawang ulit na sinaksak si Madlangbayan.

Matapos ang krimen ay mabilis na tumakas ang suspect. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments