Si Alexander Antonio, 54, residente ng Marikina City at nakatalaga sa Morong RTC branch 80 sa Morong, Rizal ay inaresto matapos na magreklamo si Placido Mendoza ng Jala-Jala, Rizal na nahaharap sa kasong carnapping. Tatlong taon ng nakabinbin kay Antonio ang kaso ni Mendoza.
Lumilitaw sa imbestigasyon na patuloy ang pagtanggi ni Antonio na idismis ang kaso ni Mendoza sa kabila ng pagsusumite ng Affidavit of Desistance ng kalabang kampo nito.
Unang humingi ang suspect ng P20,000 na ibinigay naman ni Mendoza upang tuluyan nang maipawalang bisa ang kaso nito.
Subalit muling humihingi ng karagdagang P5,000 si Antonio kung kayat dumulog na sa NBI si Mendoza.
Dahil dito, nagsagawa naman ng entrapment operation ang NBI at agad na dinakip si Antonio matapos na tanggapin nito ang marked money kay Mendoza.
Si Antonio ay nahaharap sa kasong direct bribery at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices (Act 3019). (Ulat ni Danilo Garcia)