Ang suspect na si Teddy Padre, may patong sa ulo na P500,000.00 ay nadakip ng mga tauhan ni National Anti-Kidnapping Task Force (NAKTAF) Chief Angelo Reyes, CPD at PNP sa kahabaan ng Don Mariano Marcos Ave. sa Quezon City dakong alas-3 kamakalawa ng hapon.
Bukod sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ng Pasay City Regional Trial Court ang pagkakahuli kay Padre ay bunga na rin ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan matapos na ipalabas ng NAKTAF ang talaan at posters ng mga most wanted kidnappers sa bansa.
Nabatid na si Padre ay sangkot sa pagdukot sa negosyanteng si Marriane dela Rosa noong Marso 27, 2003 sa kahabaan ng A. Bonifacio St. Canlalay, Biñan, Laguna. Nakatakas lamang ang biktima noong Marso 31, 2003.
Ayon naman kay NAKTAF Spokesman Col. Danilo Servando, umaabot sa siyam na kidnapper na ang kanilang nasakote habang 16 namang kaso ang naisampa sa korte.
Nagpapatuloy naman sa operasyon ang mga awtoridad upang madakip ang iba pang most wanted kidnapper na nasa talaan ng NAKTAF. (Ulat nina Joy Cantos at Lilia Tolentino)