Bakla,pinagnakawan na pinatay pa

Naliligo sa sariling dugo at wala nang buhay nang matagpuan ang isang baklang beautician sa loob ng isang beauty parlor, kahapon ng umaga sa Quezon City.

Kinilala ang biktima na si Joel Bensalla, 25-anyos, stay-in beautician ng Jay-Sam Saloon na makikita sa #27 V. Luna Road at panulukan ng Mapang-akit St., Brgy. Pinyahan, ng nabanggit na lungsod.

Nabatid na nagtamo ng maraming tama ng saksak sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktima na naging sanhi ng agaran nitong pagkasawi.

Batay sa ulat, dakong alas-10 nang matagpuan ng isang Manuel Suico ang bangkay ng biktima.

Narekober ng awtoridad sa tabi ng bangkay ng biktima ang kanyang dalawang pitaka na wala nang mga laman kung kaya’t may hinala ang pulisya na pinagnakawan ang una at tinangka nitong manlaban kung kaya’t pinagsasaksak ito hanggang sa mapatay ng hindi pa nakikilalang suspect.(Ulat ni Angie Dela Cruz)

Show comments