Lalaki minartilyo ng bayaw, patay

Hindi na naisalba ng mga manggagamot ang buhay ng isang 31-anyos na lalaki makaraang pukpukin ng martilyo sa ulo ng kanyang bayaw, kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.

Nakilala ang nasawi na si Reynaldo Tongol, ng Tondo.

Pinaghahanap naman ang suspect na si Fernando Baliado, 24, ng nabanggit ding lugar.

Ayon sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-8 ng gabi sa harap mismo ng bahay ng biktima.

Nabatid na kauuwi lamang buhat sa trabaho ni Tongol at ng kanyang asawa nang mag-init ang ulo nito nang makitang sira ang dingding ng kanilang inuupahang kuwarto.

Nagparinig ang biktima sa suspect na nakatira naman sa kabilang kuwarto na magsarili na sila ng dingding at hindi nakikigamit. Nabatid pa na ang biktima ang nagpakabit ng dingding sa kanilang kuwarto para magkaroon ng pagsasarili ngunit panay umano ang pagpupukpok ng suspect na siyang ikinagalit ni Tongol dahil sa nasisira ito. Dito na nagsigawan ang magbayaw hanggang sa magkahamunan. Armado ng martilyo, pinagpupukpok ng suspect si Tongol sa ulo at mukha na naging dahilan ng kamatayan nito. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments