Sa isinagawang press conference, iniharap ni NCRPO chief Deputy Director General Ricardo de Leon ang nadakip na sina Armando Carillo, 28 ng #24 V. Mapa St. at Ricardo Rivera, 29 ng #744 V. Mapa St. kapwa nasasakupan ng Sta. Mesa, Maynila.
Ayon kay de Leon ang pagkakahuli sa dalawa ay bunga ng isinasagawang checkpoint ng mga awtoridad sa kahabaan ng Quezon Ave. sa Quezon City kamakalawa ng gabi.
Isang pampasaherong jeep na may plakang TVG-699 ang nagbalewala sa traffic lights na naging dahilan ng mga awtoridad upang ito ay sitahin.
Laking gulat ng mga awtoridad nang makitang umaabot sa 17 personal computer, 16 na CPU at mga computer accessories ang laman ng nasabing jeep.
Hinihingi ng mga pulis ang papeles ng mga computer subalit walang maipakita ang mga suspect.
Nakuha din sa mga suspect ang dalawang bolt cutter at isang crowbar na ginagamit ng mga miyembro ng Akyat-Bahay Gang sa pagsira ng mga bintana at pintuan.
Pinasisiyasat din ni de Leon ang kaugnayan ng dalawang suspect sa mga kilabot na sindikato na nagsasagawa ng operasyon sa ibat ibang lugar sa MM.
Inaalam pa rin ng pulisya kung sinu-sino ang mga nagmamay-ari ng mga computers at CPU na nabawi mula sa mga suspect. (Doris M. Franche)