Kinilala ni National Anti-Kidnapping Task Force (NAKTAF) Chief Angelo Reyes ang nahuling lider ng Waray-Waray KFR group na si Rogelio Morfe alyas Mata, 26 tubong Jaro, Leyte at dating empleyado ng pamilya Chu.
Si Morfe ay nasakote sa Tondo, Manila habang ang iba pang kidnaper ay nahuli sa isinagawang follow-up operations sa Montalban, Rizal at Caloocan City.
Nakilala naman ang iba pang nasakoteng kidnaper na sina Danilo Druga, financier ng grupo; Ricky Lagado at Vicente Anciado.
Narekober din mula kay Anciado, owner/driver ng get-away na asul na Hyundai Grace van na may plakang XCT-553 sa tahanan nito sa Tondo.
Inamin naman ni Morfe na responsable ang kanyang grupo sa anim na kaso ng kidnap-for-ransom kung saan ang mga biktima ay mga mayayamang Filipino-Chinese.
Magugunita na si Dominga Chu ay dinukot ng mga armadong kalalakihan noong Enero 21, 2004 sa Pasay City matapos dumalo sa selebrasyon ng Chinese New Year noong hatinggabi ng Enero 21, 2004.
Dalawang araw naman matapos na dukutin si Chu ay nailigtas ito ng pinagsanib na puwersa ng AFP-National Capital Region Command (NCRC) at National Bureau of Investigation sa Brgy. Maligaya, Caloocan City kung saan tatlong kidnaper ang kinilalang sina Edwin Delfin, Marvin Peralta at Joselito Tamayo.
Iniharap din sa Pangulo kahapon si Ronnie Tan, ang ika-12 most wanted at may patong na P500,000 sa ulo, sa serye ng mga kidnapping na isinagawa ng kanyang grupong Mostrales KFR gang na responsable sa pagkidnap kay Grace Ong noong Setyembre 2001.
Ang lahat ng mga naaresto ay sinampahan na ng kasong kidnap-for-ransom o paglabag sa Art. 267 ng Revised Penal Code. Lahat sila ay nakadetine sa NBI jail at hindi puwedeng lagakan ng piyansa.(Ulat nina Joy Cantos at Lilia Tolentino)