Nakilala ang mga nasawi na sina PO1 Wayne Anota, driver ni EPD director Chief Supt. Oscar Valenzuela at PO1 Christopher Orig, na nakatalaga naman sa Intelligence Unit ng EPD.
Ayon sa ulat, naganap ang trahedya dakong alas-3 ng madaling-araw sa may kahabaan ng C. Raymundo Avenue sa Brgy. Maybunga ng nasabing lungsod.
Napag-alaman na sakay ng isang kulay dilaw na two-door Honda Civic na may plakang TAM-147 na pag-aari ni Clarissa Garcia ng Las Piñas City ang mga biktima nang mawalan ng kontrol sa manibela si Orig matapos na rumampa ang sinasakyan sa isang humps.
Nagdiretso sa kabilang lane ang sasakyan at diretsong bumangga sa gate ng C.A Construction Corporation.
Sinikap naman ng mga testigo na dalhin sa pagamutan ang dalawa subalit hindi na umabot pang buhay ang mga ito.
Hindi naman binanggit sa ulat kung lasing o nakainom ang dalawang pulis.(Ulat ni Edwin Balasa)