Walang Bird flu: DOH,WHO at BAI kumain ng manok

Pinangunahan ng mga opisyal ng Department of Health, World Health Organization at ng Bureau of Animal Industry ang pagkain ng manok upang patunayan na hindi apektado ng bird flu ang mga manok sa bansa.

Kumain ng ilang pirasong manok sina Health Secretary Manuel Dayrit, WHO Representative Dr. Jean Marc Olive at Dr. Victor Atienza ng BAI upang pawiin ang pangamba ng publiko na infected na ng bird flu virus ang mga manok na itinitinda sa mga palengke.

Nilinaw din ni Atienza na walang dapat na ikabahala ang publiko sa pag-aangkat ng manok dahil ang mga ito ay nanggagaling sa Canada at Amerika at hindi sa mga bansang Vietnam at Thailand kung saan kontaminado na ng bird flu virus ang mga manok.

Subalit sa kabila nito, patuloy pa rin ang pagbulusok ng presyo ng manok matapos ang sunud-sunod na ulat na padami pa rin ng padami ang mga manok na naaapektuhan ng bird flu virus.

Ayon sa Broilers Association of the Philippines, bumaba ng 50 porsiyento ang presyo ng manok sa mga palengke kung kaya’t nararapat lamang na gumawa ng paraan ang pamahalaan upang maibsan ang pangamba ng mamamayan.

Maging sa ilang food chain sa bansa, bumagsak din ang benta ng manok na posible ding magdulot ng pagbagsak ng negosyo at pagkawala ng trabaho. (Ulat nina Gemma Amargo at Angie dela Cruz)

Show comments