Pulis-Pasay tiklo sa pagbebenta ng droga

Bagsak kalaboso ang isang tiwaling pulis sa Pasay City matapos itong iturong nasa likod nang pagbebenta ng ilegal na droga matapos ang isinagawang entrapment operations sa lungsod kahapon ng umaga.

Kinilala ni PNP Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Force (PNP-AID-SOTF) Chief Deputy Director Gen. Edgar Aglipay ang nahuling suspect na si PO2 Raymund Sandanan, 31, ng Moulin Creek, Camp Bagong Diwa, Taguig at nakatalaga sa Police Community Precinct 10 sa Pasay City Police.

Si Sandanan ay nasakote matapos ireklamo ng sibilyang nakilalang si Alfredo Camiro na inutusan nitong magbenta ng droga.

Dakong alas-12:30 ng tanghali nang arestuhin ng mga awtoridad ang nabanggit na pulis sa may Merville Access Road, Barangay 201, Pasay City matapos ang isinagawang entrapment habang tinatanggap kay Camiro ang P4,000 marked money na pinalitaw nitong pinagbentahan ng droga.

Nasamsam rin sa pag-iingat ng suspect na nakauniporme pa ng masakote ang isang M16 rifle at isang cellphone na ginagamit nito sa illegal na transaksyon sa droga. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments