Ayon kay Ronel Avila, Director ng DA quarantine department na pinapayuhan ang mga mamamayan na huwag lumapit sa mga ibong gala na umanoy malimit na pumapasok sa bansa lalo na sa panahon ng winter o tag-lamig.
"Mas makabubuti na huwag na muna tayong lumapit sa mga ibong gala, huwag natin itong hipuin at pakainin," babala pa ni Avila.
Ipinaliwanag pa ni Avila na hindi naman umano nalalaman kung ang mga ibong galang ito ay buhat sa bird flu-infected countries.
Nabatid na ang mga ibong gala na kalimitang pumapasok sa bansa ay pawang nagmumula sa Alaska, Siberia at China.
Maliban sa mga ibong gala ay pinapayuhan rin ang mga mamamayan na lumayo sa mga alagang ibon na nagmumula sa ibang bansa.
Sinabi pa ni Avila na hindi na rin pinapayagan ang sinuman na magpasok sa bansa ng mga imported na ibon bukod pa sa mga manok.
Base sa ulat ng DA noong nakaraang Martes, pansamantalang nagpalabas ng ban ang pamahalaan laban sa mga imported na mga panabong na manok upang maiwasan ang posibleng pagpasok ng bird flu virus sa bansa. (Ulat ni Rose Tamayo)