Nakilala ang sumukong kidnapper na si Joer Abonales, 32, na iprinisinta ni National Anti-Kidnapping Task Force (NAKTAF) chief Angelo Reyes kay Pangulong Arroyo.
Si Abonales ay may patong na P500,000 sa ulo at sinasabing isa sa mga lider ng Pegarido kidnap-for-ransom group at ika-15 sa talaan ng most wanted kidnapper sa bansa.
Sinabi pa ni Reyes na si Abonales ay responsable sa pagdukot sa anak ng negosyanteng Hapones na si Seisburo Giga na may asawang Pinay na nakilalang si Mark John Giga,12, noong Setyembre 26, 2001.
Dinukot ang bata sa harap ng Mariane School sa Sauyo Road, Novaliches, Quezon City.
Maliban dito, inamin rin ng suspect ang pagkakasangkot niya sa pagdukot sa negosyanteng Fil-Chinese na si Mae Ling Ang na kinidnap sa Gabriel II Subdivision sa Barangay Hulong Dagat sa Malabon City noong Disyembre 26, 2001.
Magugunita na siyam na kasamahan ni Abonales ang nasakote na ng mga awtoridad sa isinagawang raid noong Disyembre 26, 2001 sa hideout ng mga ito sa Agham Road sa Quezon City. (Ulat nina Joy Cantos at Ely Saludar)