Ayon kay Supt.Dionicio Borromeo, Station Investigation and Detective Management Bureau chief ng Caloocan City Police kailangan pa rin nilang malaman kung ano ang tunay na motibo ng pagdukot at pagpatay sa Tsinoy.
Sinabi ni Borromeo na kasosyo ni Tan sa negosyo si Mary Ann Medina at ang live-in partner nito na si Michael Uy na isa ring negosyante.
Ipinaliwanag ni Borromeo na hindi naman pupunta si Tan sa Padis Point nang imbitahan ito ni Medina kung walang namagitan sa kanila.
Matatandaan na noong Enero 10 natagpuan ang bangkay ni Tan sa Norzagaray, Bulacan na may tama ng bala ng baril sa katawan.
Sa isinagawang operasyon ng pulisya, nadakip sina Noelito Papung, Rodolfo Norombaba, Ma. Lourdes Medina-Olayres at kapatid na si Mary Ann.
Iginigiit nina Papung at Norombaba na si Mary Ann ang siyang bumaril kay Tan matapos na bayaran sila nito ng P50,000. (Ulat ni Rose Tamayo)