Bank holdap sa Las Piñas:Milyong halaga natangay

Tinatayang aabot sa milyong halaga ang natangay na cash buhat sa isang bangko matapos itong holdapin ng apat hanggang anim na kalalakihan na pawang armado ng matataas na kalibre ng baril at granada sa Las Piñas City, kahapon ng umaga.

Kaagad na tumakas ang mga suspect lulan ng motorsiklo at isang kulay asul na Isuzu van na walang plaka kung saan ang ilan ay nakasuot pa ng barong.

Ayon sa inisyal na ulat, naganap ang panghoholdap dakong alas-10 ng umaga sa Premier Bank na matatagpuan sa Alabang-Zapote Road sa harapan ng Ever Gotesco Mall sa Barangay Pamplona sa Las Piñas.

Nabatid na biglang pumasok at nagdeklara ng holdap ang mga suspect na tinatayang nasa gulang na 20-45. Kaagad na tinutukan ng baril ng isa sa mga suspect ang manager ng bangko na nakilalang si Dolores Manansala.

Pinabuksan dito ang kaha de yero at doon mabilis na kinulimbat ang milyong halaga ng pera. Matapos ang matagumpay na holdap ay mabilis na tumakas ang mga suspect.

Hindi naman agad nakaresponde ang mga pulis dahil huli na nang pindutin ang alarm ng bangko. Nalaman pa rin na hindi gumagana ang monitoring camera ng bangko. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments