Nabatid mula sa pamunuan ng AFP na gaganapin ang arraignment dakong alas-9 ng umaga sa Philippine Army Officers Club sa Fort Bonifacio, Makati City.
Napag-alaman na dalawang beses ng naantala ang pagbasa ng sakdal laban sa Magdalo Group kung saan nitong nakalipas na Disyembre 15 ay ipinagpaliban makaraang kwestiyunin ng mga akusado ang mga bumubuo sa court martial proceedings at nitong Enero 6 naman ay muling ipinagpaliban dahil sa hindi kumpleto ang komposisyon ng General Court Martial.
Sa ngayon ay apat na opisyal ang idinagdag sa komposisyon ng General Court Martial matapos ang isinagawang peremptory challenge ng mga abogado ng mga akusado.
Magugunita na noong July 27, 2003 ay ginulantang ang sambayanan matapos na magsipag-aklas ang mga junior officers at enlisted personnel ng AFP na sumakop sa Oakwood Premier Hotel sa Makati City at sa bigong pagtangkang pabagsakin ang administrasyon ng Pangulong Arroyo. (Ulat ni Joy Cantos)