Sa ginanap na press briefing sa Camp Aguinaldo, iprinisinta ni National Anti- Kidnapping Task Force (NAKTAF) Chief Ret. Gen. Angelo Reyes ang nahuling suspect na si Jose Mari Guidan, alyas Jojo, residente ng Sitio Rizal, Alabang, Muntinlupa City.
Ayon kay Reyes, si Guidan ay nasakote dakong alas-4 ng hapon matapos itong makipagkita sa kanyang dating amo na si Mr. Hanzel Zee Pua na hinihingan nito ng P5-M upang hindi na ituloy ang pagkidnap dito.
Lumilitaw sa imbestigasyon na nauna ditoy nakatanggap ng pananakot sa pamamagitan ng text message ang biktima buhat sa cellphone na may numerong 0926-3435-589 na nagbabantang dudukutin ito kung mabibigong magbayad ng limang milyong piso.
Matapos ang serye ng negosasyon ay nakipagkasundo si Pua na makipagkita sa texter sa isang food chain sa Robinsons Galleria upang ibigay ang nasabing halaga.
Tiwala ang suspect na hindi magsusumbong sa pulisya ang kanyang dating amo at nakuha niya ito sa pananakot. Pero lingid sa kanyang kaalaman ay naglakas-loob si Pua na ipagharap ito ng sumbong kung kaya bumagsak ang suspect sa inihandang patibong.
Nakatakda nang sampahan ng kaukulang kaso ang nadakip na suspect. (Ulat ni Joy Cantos)