Ayon sa pamilya Balagtas, dakong alas-10:30 nang bulabugin umano ni Mayor Malonzo ang lamay para sa kanilang kamag-anak sa loob ng Sto. Niño Chapel sa Tabing Riles, 4th Avenue ng nabanggit na lungsod.
Ayon pa sa mga testigo, nang makita umano ni Malonzo ang tent na ginagamit sa paglalamay na may pangalan ni Egay Erice, dating congressman at ngayoy tumatakbo ng pagka-mayor sa Caloocan na kalaban ng asawa ng aktor ay bigla itong nag-usok sa galit at agad na sinira at itinumba ang nasabing tent.
Dahil dito, natakot ang mga tao sa lamay at nagkanya-kanyang pulasan.
Hindi umano sila makapaniwala sa naging reaksyon ni Malonzo at sa pambubugbog nito sa lamayan dahil sa mismong ang mag-asawang nakaburol ay pawang supporters ng mayor.
Sa panayam naman kay Malonzo, sinabi nito na sinira lamang umano niya ang saklaan na iniharang pa sa daan. Anya, walang kinalaman ang pulitika sa kanyang naging reaksyon dahil ginawa lamang umano niya ang nararapat para sa pagsupil sa ilegal at talamak na sugal tulad ng sakla.
Binanggit pa nito na malimit gawing sangkalan ng mga residente ang lamay sa patay para lamang makapagtayo ng saklaan.
Nabatid na isa katao na nagsilbing bangkero sa nasabing saklaan ang naaresto.(Ulat ni Rose Tamayo)