8 death convicts naudlot ang pagbitay

Walo pang death convicts na nakahanay na mabitay sa buwang ito ang pansamantalang makakatulog ng mahimbing. Ito’y matapos na ipahinto ni Pangulong Arroyo ang pagbitay sa mga ito ngayong buwan.

Kahapon, natanggap na ni Bureau of Corrections (BuCor) Director Dionisio Santiago ang Executive Order ang ipinalabas na kautusan ng Pangulo na nagpapahinto sa pagbitay sa walo pang death convict na nakilalang sina Ramil Rayos, Castro Gueraban, William Alpe, Jimmy Jacob, pawang may kasong rape, Panfilo Quimson, murder; Pablo Santos at Dindo Patojal, kapwa may kasong robbery with murder.

Ayon kay Dionisio, tanging sina Roberto Lara at Roderick Licayan lamang ang nakatakdang ituloy ang bitay sa darating na Enero 30.

Aniya, tanging ang Pangulo pa rin ang magdedesisyon kung paliligtasin pa ang mga ito sa lethal injection.

Hanggang sa ngayon ay wala pa ring ipinalalabas na kautusan si Pangulong Arroyo para mapigilan ang pagbitay sa dalawang kidnappers. Una nang hiniling ng Public Attorneys Office sa Pangulo na pag-aralang mabuti ang listahan ng mga bibitayin dahil malaki ang kanilang paniwala na ilan sa mga akusado ay inosente.

Sina Lara at Licayan ay hinatulan ng bitay ni Marikina Regional Trial Court Judge Reuben dela Cruz sa kasong pagdukot at pagpatay sa negosyanteng Instik na si Joseph Co at sa tindera nitong si Linda Manaysay. (Ulat ni Grace dela Cruz)

Show comments