Nakilala ang mga nadakip na sina Abdullah Abedin, alyas Ustadz; Badrodin Makauyag, 28; at Almin Domata, pawang mga residente ng Bagong Silang, Caloocan City.
Sa ulat ng NBI-National Capital Region, nasakote ang mga suspect dakong alas-5 kamakalawa ng hapon sa isang raid sa bahay ng suspect na si Ustadz. Bago ito, iniulat ng mga kaanak ng isang alyas Jamail na dinukot ito ng mga suspect dahil sa onsehan sa droga.
Nabatid sa imbestigasyon na nagpabili si Ustadz kay Jamail noong Disyembre 25, 2003 ng 100 gramo ng shabu sa halagang P120,000 sa Muslim Center sa Quiapo, Manila. Naibigay naman ni Jamail ang naturang dami ng shabu at binigyan siya ni Ustadz ng P1,500. Nadiskubre naman ni Ustadz na mababa ang kalidad ng droga na ibinigay sa kanya ni Jamail at iniutos na ibalik ang kanyang pera kung hindi makakahanap ng mataas na kalibre ng shabu.
Tanging P35,000 lamang ang naibalik ni Jamail kay Ustadz na binalaan siyang may masamang mangyayari kapag hindi naibalik ang P90,000. Naisakatuparan naman ito nang dukutin si Jamail noong Enero 1. Nailigtas naman si Jamail nang magbayad ang mga kamag-anak nito ng ipinangakong halaga kung saan sumunod na sinalakay ng mga operatiba ang bahay ng suspect sanhi ng kanilang pagkakadakip. Nakadetine ngayon sa NBI detention cell ang mga suspect at nahaharap sa kasong kidnapping, illegal possession of firearms at paglabag sa Comprehensive Anti-Drug Law of 2002. (Ulat ni Danilo Garcia)