Dalagita, ni-rape ng 3 bangag

Masaklap ang sinapit ng isang 15-anyos na dalagita matapos itong halinhinang gahasain ng tatlong di pa nakilalang kalalakihan na hinihinalang bangag sa ipinagbabawal na droga sa Makati City kahapon ng madaling-araw.

Ang biktima ay itinago sa pangalang Alyana, nakatira sa Batangas St., Brgy. Pio del Pilar ng lungsod na ito.

Pinaghahanap naman ang tatlong suspect na mabilis na nagsitakas matapos isagawa ang panghahalay.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente bandang alas-2 ng madaling-araw sa Valderama St., Brgy. Pio del Pilar ng lungsod.

Nabatid na sumama sa kanyang mga barkada ang biktima na hindi nagpaalam sa kanyang mga magulang.

Kasalukuyan umanong pauwi na habang naglalakad sa nasabing lugar ng hilahin ng tatlong lalaki ang biktima sa madilim na bahagi at dito isinagawa ang panghahalay.

Nagulantang na lamang umano ang mga magulang ng biktima nang dumating ito sa kanilang bahay na wala sa sarili at tulala.

Nang usisain ng kanyang mga magulang, ang biktima ay napilitan na ring ipagtapat ang panghahalay sa kanya ng mga suspect.

Sa ngayon ay patuloy pa ang isinasagawang masusing imbestigasyon sa kaso upang matukoy at madakip ang tatlong rapist. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments