Utak sa Betty Chua Sy kidnap-slay arestado

Nadakip ng mga elemento ng National Anti-Kidnapping Task Force (NAKTAF) ang itinuturong utak sa pagdukot at pagpatay sa Coca-Cola Bottling executive na si Betty Chua Sy sa isinagawang operasyon, kahapon ng umaga sa lalawigan ng Leyte.

Kinilala ang suspek na si Fernando Niegas, ikatlo sa mga most wanted kidnappers sa ipinalabas na talaan ng NAKTAF at pinuno ng notoryus na Waray-Waray gang.

Ayon sa report ng NAKTAF, si Niegas ay nasakote dakong alas-11 ng umaga sa Brgy. Macanit, Jaro, Leyte ng pinagsanib na operatiba ng NAKTAF at ng Police Regional Office (PRO) 8.

Nabatid na si Niegas ay nasakote matapos ang masusing surveillance operations matapos ikanta ng mga nadakip nitong kasamahan sa Waray-Waray gang na unang bumagsak sa mga awtoridad sa operasyon sa nasabi ring rehiyon.

Magugunita na una nang nasakote ng mga awtoridad si Allan Niegas, lider ng Waray-Waray kidnap-for-ransom (KFR) gang sa safehouse nito sa Leyte. Sumunod namang nadakip si Inocencio Saliente kasama ang girlfriend nito sa isang checkpoint sa Tacloban City nitong bisperas ng kapaskuhan.

Magugunita na si Sy ay dinukot ng anim na armadong kalalakihan sa kahabaan ng Congressional Avenue, Quezon City nitong nakalipas na Nobyembre 16 kung saan kinabukasan ay natagpuan itong patay matapos itapon ng mga kidnappers sa kahabaan ng Diosdado Macapagal highway sa Parañaque City. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments