Ama dinamdam ang pagkamatay ng anak,inatake sa puso

Nakiramay sa kamatayan ng kanyang anak na napisak ng isang truck ang kanyang ama matapos na masawi rin ito makaraan namang atakihin sa sakit sa puso nang malaman ang kinahinatnan ng anak, kamakalawa ng madaling-araw sa lungsod ng Maynila.

Nakilala ang nasawing mag-ama na sina Rogelio Pantanod Sr. at anak nitong si Rogelio Jr., kapwa residente ng Tondo, Maynila.

Sa ulat ng pulisya, nabatid na unang nasawi ang batang Pantanod nang mahagip at makaladkad ng isang rumaragasang 18-wheeler na trailer truck dakong alas-3 ng madaling-araw sa may City Road, Port Area, Maynila.

Nasiraan ng tricycle ang biktima at huminto ito nang dire-diretsong mahagip ng truck ng Cargo Forwarders and Brokerage Corp. na minamaneho ni Joric Galona.

Sinabi ni Galona na sobrang antok umano niya sa oras na iyon kaya hindi nito nakita ang biktima at ang tricycle nito na kanyang nasagasaan kahit na nasa gilid ito ng kalsada.

Ilang minuto matapos malaman ng ama ang nangyari sa anak ay inatake ito sa puso at namatay. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments