9 miyembro ng CPP-NPA, timbog

Siyam katao na hinihinalang mga miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) na pinaniniwalaang naatasang maglulunsad ng pag-atake sa mga pangunahing establisimento sa Metro Manila ang dinakip ng mga kagawad ng Western Police District (WPD), kahapon ng umaga sa lungsod ng Maynila.

Nakilala ang mga nadakip na sina Antonio Tagunan, 57; Sherwin Manubag, 33; Benjamin Abanos, 50; Marcial Dabel, 30; Lexter Latoy, 33; Vincent Guitoras, 32; Eleazar Villacorta, 21; Rene delos Santos, 29 at Jerry Dugan, 42.

Sa ulat ng WPD-General Assignment Section, nadakip ang mga suspect dakong alas-11 ng umaga sa kahabaan ng Blumentritt Avenue, Sta Cruz.

Nakumpiska sa mga ito ang ilang mga pulang bandila ng grupong komunista na nakasaad ang mga katagang: "Mamamayan tumungo sa Kabayanan, Lumahok sa Digmaang Bayan-RCTU-NDF" at "Mabuhay ang ika-35 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas".

Nabatid na kasa-kasama ang mga suspect sa mga isinagawang rally ng mga manggagawa na kaalyado ng grupong komunista.

Posible umano na ang mga nadakip ang naatasang magsagawa ng mga pagsalakay sa mga binabantayang pangunahing establisimento sa Maynila tulad ng Pandacan Oil Depot, LRT, US Embassy at Malacañang.

Magugunitang nagselebra ng kanilang ika-36 na anibersaryo ang CPP-NPA nitong nakaraang Disyembre 26 at natunugan ang mga planong pag-atake ng mga ito upang ipakita ang lakas ng kanilang partido. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments