Kapwa dinala sa San Juan De Dios Hospital ang mga biktima na sina Roderick Santos, 21, residente ng #260 Interior 2, 10th St., Balot. Tondo, Manila na nagtamo ng tama ng saksak sa ibat-ibang parte ng katawan at Renato Dacpano, 32, residente ng Scupatre St., Project 4, Quezon City, pawang mga nakatalaga sa Clearing Operation Division ng MMDA.
Kasalukuyan namang ginagamot sa Ospital ng Maynila ang dalawa pang mga biktima na kinabibilangan ng paslit na si Alinor Ocampo ng Upalo St., San Andres Bukid, Manila na nagtamo ng isang tama ng bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril at isang Oliver Niri, 42-anyos, negosyante at residente ng #1263 Quiricada St., Sta Cruz, Manila na nagtamo ng mga bali at bukol sa ibat-ibang parte ng katawan.
Base sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-8:45 ng gabi sa kahabaan ng Roxas Blvd., Baclaran, Parañaque City.
Nabatid na nagsasagawa ng clearing operations ang MMDA team laban sa mga illegal sidewalk vendors kung saan kasama sina Santos at Dacpano nang maganap ang insidente.
Napag-alaman na habang nasa kalagitnaan ng operasyon ang mga kawani ng MMDA ay biglang naglabas ng mga baril, pamalo at patalim ang mga vendors at bigla silang inatake ng mga ito na malubhang ikinasugat ng mga biktima.
Hindi pa umano nakuntento ang mga vendors ay sinunog pa ng mga ito ang out-post ng MMDA na nakatayo sa nabanggit na lugar. (Ulat ni Lordeth Bonilla)