Hindi na umabot nang buhay makaraang isugod sa Ospital ng Maynila ang biktimang nakilalang si Berto Condo, 25, tubong Ormoc, Leyte at residente ng PNR Compound, Perlita St., San Andres Bukid.
Pinaghahanap naman ngayon ang nakalalayang suspect na si Ismael Portillo, alyas Baby, 30, tubong Burawi, Leyte at kasamahan ng biktima na rumerenta sa naturang bahay.
Sa ulat ng WPD Homicide Division, naganap ang insidente eksakto alas-12 ng hatinggabi pagsapit ng Pasko sa loob mismo ng bahay ng dalawa.
Napag-alaman na bago ang naganap na krimen naglaro pa ng tong-its ang biktima at suspect kasama ang ilang kapitbahay.
Hapon pa lamang ay nagkaroon na ng mainitang pagtatalo ang dalawa dahil sa pinaghinalaan ng suspect na nandadaya ang biktima, gayunman napayapa sila ng kanilang mga kalaro.
Pagsapit nga ng hatinggabi ay hindi pa pala na aalis ang ngitngit ng suspect kung kaya nang batiin siya ng "Merry X-mas" ng biktima ay agad niya itong inundayan ng saksak sa dibdib na naging dahilan ng kamatayan ng huli.
Mabilis namang tumakas ang suspect matapos ang isinagawang krimen. (Ulat ni Danilo Garcia)