Misis minartilyo na sinaksak pa ni mister patay

Hinataw ng martilyo at pinagsasaksak hanggang sa mapatay ng isang mister ang kanyang misis at pagkatapos ay nagtangka itong magpakamatay, kamakalawa ng gabi tatlong oras bago mag- Noche Buena sa Muntinlupa City.

Patay na nang idating sa Alabang Medical Clinic ang biktimang misis na si Marites Robles, 29, saleslady at residente ng Purok 7-Ilaya Alabang, Muntinlupa City sanhi ng tinamong mga saksak sa katawan.

Samantala, ginagamot pa sa nasabing klinika ang suspect na mister na si Harry Robles, 30, matapos ding magtangkang magpakamatay sa pamamagitan ng pagsaksak sa sarili.

Base sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente sa mismong bahay ng mag-asawa dakong alas-9 ng gabi.

Napag-alaman na nagtalo ang mag-asawa makaraang magselos ang lalaki at na-insecure ito dahil ang kanyang misis ang siyang nagtatrabaho.

Nabatid na ang pagtatalo ay nauwi sa mainitang komprontasyon hanggang sa hatawin ng suspect ng martilyo ang kanyang misis sa ulo. Hindi pa nasiyahan at kumuha pa ito ng kutsilyo at inundayan ng sunod-sunod na saksak sa katawan ang misis.

Matapos ang isinagawang krimen ay nagtangka rin itong magpakamatay para umano hindi na sila magkahiwalay ng kanyang asawa.

Inihahanda na ng pulisya ang pagsasampa ng kasong parricide sa suspect. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments