Ex-child star na si Sugar hinatulang mabilanggo

Hinatulan kahapon ng Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) ng mula 14 hanggang 17 taong pagkabilanggo ang dating child star na si Vanessa Benedicto Valenzuela na lalong kilala sa pangalang "Sugar" dahil sa kasong carnapping noong nakaraang taon.

Base sa rekord ng korte, si Sugar ay kinasuhan ni Noel Gomez dahil sa pagtangay ng una sa kanyang Toyota Corona EX Salon na nagkakahalaga ng P320,000.

Ayon kay Gomez, tinawagan siya ni Sugar upang bilhin ang kanyang kotse na inanunsiyo niya sa buy and sell section ng isang pahayagan.

Bunga nito, nagkita ang dalawa noong Abril 28, 2002 sa bahay ni Gomez at hiniling ng akusado na mai-test drive niya ang sasakyan.

Habang nasa daan ay humingi ang akusado ng kopya ng orihinal na certificate of registration kung kaya’t lumabas si Gomez ng sasakyan upang magpa-zerox.

Pagbaba ni Gomez ay sinamantala naman ng akusado na patakbuhin at itakas ang sasakyan subalit agad naman siyang nahabol ng grupo ni Gomez.

Sa tatlong pahinang desisyon ni QCRTC Judge Ma. Theresa Yadao, malinaw umano na nagkasala nang walang kaduda-duda ang akusado base sa mga ebidensiyang iniharap laban dito kung kaya hinatulan itong mabilanggo.

Si Sugar ay nakilala bilang isa sa mga kontrabidang half-sister ng kasabayan nitong child actress na si Julie Vega sa seryeng "Anna Lisa". (Ulat ni Anna Sanchez)

Show comments