Sa isang pahinang resignation letter ni Lopez na may petsang December 9, 2003, hiningi nito ang basbas ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na pahintulutan siyang magbitiw para sa nasabing tungkulin.
"I would like to render my irrevocable resignation as Chairman of the Lakas-NUCD-UMDP in Manila effectively," nakasaad pa sa liham ni Lopez.
Tumanggi naman ang dating Alkalde ng Maynila na tukuyin ang dahilan ng pagbibitiw nito sa partido na matagal na nitong kinaaniban.
Subalit ayon sa isang impormante mula sa kampo ni Lopez na ang pagbibitiw nito ay bunsod sa nakatakdang pag-anib nito sa Partidong Nagkaisang Koalisyon ng Pilipinas o United Opposition group na binubuo ng ibat ibang partido tulad ng Puwersa ng Masang Pilipino (PMP), PDP-Laban, LDP at Peoples Reform Party (PRP), upang suportahan sa pagtakbo sa darating na halalan ang action King na si FPJ.
Nilinaw pa ng source na ang pagbibitiw ni Lopez ay bilang paghahanda na rin upang muli itong tumakbo sa pagka-alkalde ng Maynila kung saan magkakaroon ng one on one na laban sa pagitan nila ni Manila Mayor Lito Atienza Jr. sa darating na halalan.
Nabatid na nauna ng nagpahayag ang Pangulo na kanyang susuportahan si Atienza sa kandidatura nito dahilan sa kilala bilang mag-koalisyon ang Lakas at ang Liberal party (LP) kung saan ang Alkalde ang siyang National Executive Vice President.
Inaasahan namang magdedeklara ng kanyang kandidatura anumang oras mula ngayon si Lopez. (Ulat ni Gemma Amargo)