^

Metro

Drug lord nakapuga sa Makati Jail

-
Isang Chinese drug lord na miyembro ng 14K Triad ang nakatakas kahapon ng madaling-araw sa selda nito sa Makati City Jail.

Kinilala ang preso na si Ding Kay Hui alyas Tony Lao, may sapat na gulang, isang Chinese national, dating naninirahan sa isang condominium sa Vito Cruz Ext., Makati City.

Ayon sa imbestigasyon ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), nasa pagitan ng ala-una at alas-2 ng madaling-araw ng madiskubre ang pagkawala ng preso.

Sinamantala umano ni Lao ang pagkawala ng mga guwardiyang sina Jail Officer 2 Reynaldo Pascual at isang nagngangalang Loyola na lumabas ng compound ng bilangguan upang bumili ng ulam.

Bago naganap ang pagtakas ni Lao, pinahiram pa umano ito ng cellphone ng isa sa nakatalagang jailguard dito dahil may tinawagan ito sa labas.

Napag-alaman pa na sa kabila na nagsisiksikan ang ibang preso, binibigyan naman umano ng "VIP treatment" ang nabanggit na drug lord kung saan dalawa lamang sila sa seldang kinakulungan nito.

Nalaman pa rin na hindi umano sumasailalim sa inspection ng BJMP ang mga bisita ng nabanggit na VIP inmate sa kabila ng ipinapatupad na mahigpit na seguridad dito.

Matatandaan na ang naturang Chinese drug lord ay nadakip noong taong 2000 sa isang buy-bust operation sa Makati City at nakumpiska rito ang 5 kilo ng shabu.

Sa ngayon ay sasailalim sa imbestigasyon ng pamunuan ng BJMP ang dalawang nakatalagang jail officer at malamang na masibak sila sa kanilang serbisyo.

Kasabay nito, pitong bilanggo mula sa 24 na inmates na nakakulong sa Quirino Police Station sa Quezon City ang nakatakas kahapon ng alas-12 ng madaling-araw nang wasakin ng mga ito ang iron grill ng comfort room ng mga bilanggo na nasa selda ng mga ito.

Isang SPO3 Samson Gonzales umano ang naging bantay noong oras na maganap ang pagtakas. Sinasabing nakarinig umano ito ng ingay sa kinaroroonan ng mga bilanggo ngunit hindi ito pinansin ng naturang pulis.

Kaugnay nito, binalaan kahapon ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Joey Lina ang pamunuan ng QC Quirino Police Station 9 gayundin ang Makati Jail na makakatikim ang mga ito ng parusa sa kanya bukod sa kasong administratibo na isasampa sa mga ito sakaling mapatunayang nagkasala kaugnay ng naganap na jailbreak sa nabanggit na mga kulungan kahapon ng madaling-araw.

Inutos na ni Lina ang malalimang imbestigasyon sa nabanggit na mga kulungan upang masino ang mga nagkulang sa pagtupad ng tungkulin.

Malalagay umano sa balag ng alanganin ang posisyon ng mga naging bantay ng nabanggit na mga kulungan noong panahong natakasan ng bilanggo.

Nagsasagawa na ng kaukulang manhunt operation ang pulisya upang muling madakip ang mga tumakas na suspect. (Ulat nina Lordeth Bonilla at Angie dela Cruz)

BUREAU OF JAIL MANAGEMENT AND PENOLOGY

DING KAY HUI

ISANG CHINESE

JAIL OFFICER

LORDETH BONILLA

MAKATI CITY

QUIRINO POLICE STATION

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with