Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na posibleng naghihiganti ang mga suspect kung saan ang isa sa mga biktima ay siyang nagpahuli sa mga kriminal sa kanilang lugar kamakailan.
Kasalukuyang ginagamot sa Makati Medical Center ang mga sugatang biktima na nakilalang sina Cresencio Saquilayan, 53 at Teddy Fuentes, kapwa taga Barangay Bangkal ng nabanggit na lungsod.
Samantalang ang dalawa pang sugatan ay nakilalang sina Mary Ann Magbatuc, 25, at Constancio Columna, 56, na ginagamot naman sa Pasay General Hospital.
Kaagad namang tumakas ang tatlong suspect kung saan ang isa dito ay nakilala sa alyas na Toto.
Base sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-7:45 ng gabi sa panulukan ng Lacuna at M. Reyes Sts. sa Brgy. Bangkal sa nabanggit na lungsod.
Napag-alaman na kasalukuyang nag-iinom ang mga biktima ng walang sabi-sabing hinagisan sila ng granada ng mga suspect.
Malaki ang hinala ng pulisya na ang puntirya ng mga suspect ay ang biktimang si Saquilayan at nadamay lamang ang tatlo, dahil sa umanoy ito ang nagpahuli sa mga taong nasasangkot sa krimen sa kanilang lugar tulad ng mga snatcher at holdaper.
Naniniwala ang pulisya na ang mga naghagis ng granada ay kabilang sa grupong ininguso ng isa sa mga biktima. (Ulat ni Lordeth Bonilla)