Miyembro ng Malacañang Press Corps timbog sa shabu session

Apat -katao kabilang ang isang information exeutive ng Radyo ng Bayan at miyembro ng Malacañang Press Corps ang dinakip ng pulisya matapos na maaktuhan na nagsa-shabu session ang mga ito kahapon ng umaga sa Las Piñas City.

Kinilala ng mga suspek na sina Jorge Pilar, 50, Assistant Information Officer ng nabanggit na istasyon ng radyo at miyembro ng Malacañang Press Corps; girlfriend nitong si Mariel Ann Nieva, 22; Jun Laguisan, 27 at Rolando Maranon, 40, pawang mga taga Gabriel Compound, Barangay Pulang Lupa, ng nabanggit na lungsod.

Sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-7:30 ng umaga sa #154 Gabriel Compound, Barangay Pulang Lupa, Las Piñas City.

Napag-alaman pa na nagsasagawa ng barangay clearing operation ang mga tauhan ng PNP-Special Operation Group (SOG), Las Piñas City nang maaktuhan ang mga suspek.

Kasalukuyang nakakulong sa himpilan ng pulisya ng Las Piñas City ang mga suspek at nahaharap sa kasong paggamit ng ipinagbabawal na gamot. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments