Pulis-Camanava binalaan vs politiko

Binalaan ni Northern Police District Office (NPDO) Dir., Chief Supt. Marcelino Franco Jr. ang lahat ng pulis sa nasasakupan ng Caloocan-Malabon-Navotas at Valenzuela (CAMANAVA) area partikular na ang kanyang mga police officials na magpapagamit sa mga pulitiko para sa kanilang pansariling interes sa nalalapit na May, 2004 elections.

Ang babala ni Franco ay matapos makatanggap ito ng impormasyon tungkol sa ilang pulis sa kanyang nasasakupan na nagpapagamit sa mga pulitiko kapalit ng malaking halaga.

Sinabi pa ni Franco na hindi siya magdadalawang isip na sampahan ng kaukulang kaso at tanggalin sa serbisyo ang sinumang pulis sa kanyang nasasakupan na mapatunayang magpapagamit sa sinumang pulitiko.

Matatandaan na unang sinibak kamakailan ni Franco ang hepe ng Malabon City Police na si Supt. Pedro Ramos dahil bukod sa pagiging mainitin nito ng ulo ay napag-alaman rin ang pagiging malapit nito sa nasuspindeng alkalde ng Malabon na si Amado ‘Boy’ Vicencio.

"I will not hesitate to relieve anyone who would show partiality. As police officers, we should never let ourselves be used by politicians. Our job is to maintain peace and order, not to serve as private armies," ani Franco.

Kasalukuyan na rin umanong iniimbestigahan ang ilang opisyal ng NPDO na umano’y nagpapagamit sa mga pulitiko sa CAMANAVA area.

Maging ang kanyang mga opisyal na nakikitang madalas na kasama ng mga mayors at mga mambabatas ay hindi rin makakaligtas sa imbestigasyong gagawin nito. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments