8 drug pusher timbog sa raid

Sinalakay ng mga elemento ng Western Police District (WPD) ang hinihinalang kuta ng mga kilabot na drug pusher at mga notoryus na holdaper kung saan walong katao ang naaresto, sa Sampaloc, Maynila kahapon ng madaling-araw.

Nakilala ang mga nadakip na sina Rommel Navaja, Cesar Abad, Dario Dolores, Amelia Cormel, Carmelito Ballesteros, Analyn Baluyot, Rolando Co at Aileen Ahad.

Sa ulat ng WPD-Station 4, isinagawa ang raid dakong alas-5:30 ng umaga sa loob ng G. Tuazon Interior 1, Sampaloc.

Nauna rito, nakatanggap ng impormasyon buhat sa kanilang asset ang pulisya ukol sa pagtatago ng mga kilabot na pusher sa naturang lugar na ginagawang bagsakan ng droga at dinadayo ng iba pang pusher para ilako sa kalsada.

Nakumpiska ng mga pulis ang hindi mabatid na timbang ng droga sa mga bahay sanhi ng pagkaaresto ng walong suspek.

Hinihinala rin ng mga awtoridad na ilan sa kanilang mga nadakip ay mga sangkot sa mga insidente ng panghoholdap sa naturang lugar at kasalukuyang kanilang hinahalukay ang kaso ng mga ito upang maituro ng kanilang mga biktima. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments