Ayon kay PDEA Director Anselmo Avenido Jr., isang libong kilo ng nasabing kemikal na nakalagay sa 40 drums sa loob ng isang 40 footer container van ang kanilang nasamsam sa isinagawang raid sa Manila International Container Port (MICP) pasado alas-9 ng gabi noong Huwebes.
Nabatid naman kay AID-SOFT chief Edgar Aglipay na ang matagumpay na operasyon ay bunsod sa napiga nilang impormasyon mula sa mga suspect na naaresto sa drug raid sa Antipolo at Pasig City.
Base sa inisyal na imbestigasyon, ang nasabing mga kargamento ay nagmula pa sa New Delhi, India at dinala sa pamamagitan ng Premier Air and Sea Cargo na may tanggapan sa 416 Regina Building, Escolta sa lungsod ng Maynila.
Sa kabuuang 300 drum na kanilang binuksan, 40 dito ang positibong naglalaman ng nasabing kemikal ng shabu.
Ang kargamento ay naka-consign sa Premier Sea and Air Cargo Movers Corporation kung saan ang tumatayong broker ay nakilala sa pangalang Jelly Laurente. (Ulat nina Joy Cantos at Edwin Balasa)