Kasabay nito inihayag ng Department of Justice (DOJ) na legal ang ipinalabas na direktiba ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo hinggil sa pagsasagawa ng checkpoint sa Metro Manila.
Ayon kay Undersecretary Jose Calida na walang lalabaging batas ang naging kautusan ng Pangulo na nakikitang epektibong paraan para mapigil ang lumalalang krimen sa bansa.
Magugunitang ang kautusan ay ipinalabas ng Pangulo matapos na tuluyang ibasura nito ang mga panawagan na alisin na ang moratorium sa death penalty dahil na rin sa lumalalang kaso ng kidnapping at holdapan sa bansa.
Ipinaliwanag pa ni Calida na mayroong ipinalabas na desisyon noon pa man ang Supreme Court hinggil sa legalidad ng mga isinasagawang checkpoint.
Ayon sa kanya maaaring isagawa ang checkpoint sa pamamagitan ng plain view doctrine kung saan tanging pagsilip lamang sa loob ng sasakyan ang maaaring gawin ng mga awtoridad.
Hindi rin umano maaaring galawin ng sinuman ang mga compartments ng mga sasakyan maliban lamang kung mayroong permiso sa may-ari ng behikulo.
Samantala, tiniyak naman ng pamunuan ng PNP na hindi lalabag sa karapatang pantao ang mga ilalatag na checkpoint sa Metro Manila.
Kasabay nito, umapela sa publiko si PNP Deputy Directorate for Operations Director Ricardo de Leon na makipagtulungan sa mga awtoridad upang masawata ang umaaribang kriminalidad.
Ipinaliwanag pa nito na hindi naman kinakailangang bumaba pa ng sasakyan ang driver para lamang ipasiyasat sa mga awtoridad ang dala nitong behikulo.(Ulat nina Grace dela Cruz at Joy Cantos)