Parak arestado sa kotong

Inaresto ang isang pulis-Caloocan ng kanyang mga kasamahan matapos itong ireklamo ng mga residente makaraang mangulekta ng pera sa pamamagitan ng isang ‘bogus’ na proyekto, kahapon ng umaga sa Caloocan City.

Kasalukuyan nang nakakulong at nahaharap sa kasong extortion si SPO1 Abelardo Aurellana, nakatalaga sa Police Community Precinct 4 sa Sta. Quiteria ng nasabing lungsod habang ang tatlo pa nitong kasamahan na hindi pa nakikilala ay pinaghahanap pa ng pulisya.

Base sa ulat, ang suspect ay naaresto dakong alas-9 ng umaga sa loob ng PCP-4 nang makatanggap ang pulisya ng reklamo mula sa apat na residente na naging biktima nito.

Ayon sa mga biktimang sina Sonia Maceda, 36, hiningan siya ng suspect at mga kasamahan nito ng P4,000; Joel Cayco, nakunan ng P6,000; Amelia Briones, 51, nakikilan ng P2,000 at Carmen Robera, 46, P6,000 naman ang nabiktima.

Sinabi ng mga biktima na nagpakilala sa kanila ang suspect na isang awtoridad at kabilang sa Phil. National Police Academy ‘Kabalikat’ Class 98.

Nabatid pa sa mga awtoridad na nagbabahay-bahay umano ang suspect at sinasabing may proyekto ang kanilang batch na ‘Christmas Presents 2003’ at nangangailangan ng malaking halaga.

Gaganapin umano ang nasabing okasyon sa PNP Non-Commissioned Officer Club House sa Camp Crame, Quezon City.

Sinabi pa ng ilang biktima na ang ginagawang pagbebenta ng ticket ng suspect ay may kahalong pananakot kaya napilitan umano silang magreklamo lalo na nang makumpirmang ‘bogus’ pala ang sinasabing proyekto ng suspect. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments