Korean national,nagbigti

Nagpakamatay sa pamamagitan nang pagbibigti ang isang Korean national matapos itong awayin ng kanyang Pinay na kasintahan kahapon ng umaga sa Malate, Maynila.

Nakilala ang nasawi na si Chong Seong Sik, na pansamantalang nanunuluyan sa Room 10 ng Joward Pension House na matatagpuan sa Adriatico St., Malate, Maynila.

Ayon sa ulat ni Det. Dennis Paul Javier, may hawak ng kaso na dakong alas-8 ng umaga ng matagpuan ni Jennybel Villalobos, tagalinis sa nasabing pension house ang biktima.

Laking gulat ni Villalobos ng itulak niya ang pinto ng kuwarto at bigla na lamang matumba ang silya at saka bumagsak ang katawan ng biktima mula sa pagkakabitin.

Bago matagpuan ang bangkay ng dayuhan isang nagngangalang Vivian ang kasama ng nasawi na nag-check in noong nakalipas na Nobyembre 14 sa naturang pension house subalit laking pagtataka naman ng mga awtoridad kung bakit naglaho na lamang na parang bula ang kinakasamang babae ng nasawi,

Narekober mula sa kuwarto ng biktima ang isang suicide note na naglalaman ng kanyang paghingi ng tawad kay Vivian.

Sa kabila nito patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy kung may naganap na foul play sa nasabing insidente. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments