Aminado ang mga opisyal ng PNP na hirap silang makakuha ng detalye sa pagkamatay ni Alexander dahilan sa pananahimik ng pamilya nito partikular na ang mag-asawang Miriam at dating DILG Undersecretary Narciso "Jun" Santiago.
Ayon kay PNP Spokesman Supt. Leopoldo Bataoil, mahalaga ang anumang impormasyon na ibigay ng mga kaanak ni Alexander upang mabigyang linaw ang insidente.
Inihalimbawa ni Bataoil, na tulad ito ng isang insidente ng kidnapping ay mahihirapang maresolba ang kaso at mahuli ang mga suspect kung walang tulong ang pamilya.
Magugunitang napaulat na nagtamo ng tama ng bala ng baril sa batok ang biktima at patay na ito nang dalhin sa East Avenue Medical Center.
Walang linaw kung saan nagbaril o binaril si Alexander at maging sa log book ng pagamutan ng ito ay isugod, tanging "Mr X" lang ang nakalagay at hindi ang pangalan ng biktima.
Ilang sandali pa ay dumating na ang mag-asawang Santiago na nag-iiyak sa pagamutan subalit maging sa mga imbestigador ay hindi ito nagbigay ng anumang pahayag.
Hanggang sa ngayon ay blangko pa rin ang pulisya sa naganap na krimen. (Ulat nina Joy Cantos at Angie dela Cruz)