Wanted na Hapon nadakip sa NAIA

Nahulog na sa kamay ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Japanese national na matagal ng nagtatago sa batas sa kanilang bansa sa kasong pandarambong, kamakalawa ng gabi sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Kinilala ni Immigration Commissioner Andrea Domingo ang suspect na si Hirokatsu Okuna, 27, na dumating sa bansa noong Miyerkules ng gabi mula Japan sakay ng Malaysian Airlines flight mula sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Ayon kay Domingo, nakatakda ng i-deport si Okuna pabalik ng Japan sabay ng paglalagay ng kanyang pangalan sa ‘black list’ ng BI upang hindi na ito muli pang makapasok ng bansa.

Ang pagkakaaresto sa suspect ay bunsod ng pakikipag-ugnayan ng Japanese embassy sa BI ilang oras bago lumapag ang sinasakyang eroplano ng suspect sa NAIA kung saan ay agad itong inaresto pagdating nito sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ng Osaka Prefectural Police.

Nabatid mula sa mga opisyal ng Interpol sa Tokyo, si Okuna ang siyang utak ng sindikato na iligal na nagpapautang sa mga negosyanteng Hapon.

Nabatid na may kabuuang 270,000 Yen na ang naipautang ni Okuna sa tatlong mga Hapon na walang kaukulang permit mula sa gobernador ng Tokyo.

Lumalabas rin sa imbestigasyon na sumisingil si Okuna ng interest sa kanyang pautang mula sa 4.38 hanggang 9.49 porsiyento kada-araw.

Kumita si Okuna ng mahigit 674,365 Yen sa kanyang iligal na pautang. (Ulat nina Butch Quejada at Gemma Amargo)

Show comments