Nakilala ang biktima na si Betty Chua Sy, 31, Commercial Finance Director sa Coca-Cola Bottlers Inc., ng Barangay Nagkaisang Nayon, Quezon City.
Bukod sa ilang tama ng bala ng baril na tinamo sa katawan, bali-bali rin ang mga buto nito palatandaan na dumanas ng matinding pahirap ang biktima bago ito tuluyang pinatay.
Bago ito, inilagay sa itim na garbage bag, binalot muna ito ng kumot at saka isiniksik sa plastic bag na nilagyan pa ng maraming masking tape.
Ang biktima ay positibong kinilala ng kanyang mga kapatid na sina Walter at Winfred Chua Sy.
Base sa ulat, dakong alas-4 ng madaling-araw nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa kahabaan ng Pacific Ave., Marina Bay Homes, General Emilio Aguinaldo Blvd. sa Brgy. Dongalo ng nabanggit na lungsod.
Ayon pa sa ulat lulan ang biktima sa kanyang Toyota RAV-4 noong Lunes dakong alas-8 ng umaga at binabagtas ang Congressional Avenue sa Barangay Biak na Bato sa Quezon City nang biglang harangin ng isang kulay puting Tamaraw FX na lulan ang tatlong lalaki at saka sapilitan itong dinala.
Mula sa kanyang sasakyan inilipat ng mga suspect sa FX ang biktima at kahapon ay natagpuan na ang bangkay nito.
Binanggit pa ng pulisya na gumamit ang mga suspect ng ibat ibang istratehiya na nagpapahirap sa kanilang imbestigasyon.
Posible umanong itinago ng ilang oras ng mga suspect ang biktima kahit ito ay kanila nang napatay at nag-iisip na humingi pa ng ransom sa pamilya. Sinira din ng mga salarin ang panty ng biktima, para lituhin ang pulisya na ito ay biktima ng rape.
Sa ngayon ay hindi pa matiyak kung ano talaga ang motibo sa isinagawang pagdukot.
Bagamat posibleng isang kaso ito ng kidnap-for-ransom hindi rin inaalis ng pulisya na maaring matinding galit at selos ang motibo sa isinagawang pagpaslang.
Isang manhunt operation naman ang isinasagawa ng pulisya laban sa mga suspects.(Ulat ni Lordeth Bonilla)